Thursday, November 30, 2006

Panahon Na Naman[Dekada Otsenta Part 2]

Una sa lahat, salamat sa mga tugon ng mga tagahanga ng aking blog, salamat sa inyong text at email (magkapatid pa naman kayong dalawa hehehe)

Eto na tayo ulit. Ang dekada otsenta ay hindi lang tungkol sa palabas sa TV, ito ay isang lifestyle na mahirap iwanan. Isang klase ng pamumuhay na nakasanayan na at nakakabit na sa bawat labi na magsasabing siya ay malapit ng mag trenta anyos.

Spray Net. Huwag mong sabihin na ni minsan ay di mo sinubukan gumamit ng spray net ha? Oh cmon! Lalo na ng sumikat si Romnick Sarmienta with matching high-cut na rubber shoes. Dalawa lang ang direksyon ng mga buhok natin nun. Pakaliwa at Pakanan. Yung bangs matigas. Tama ba?

Bagets. Ang bagets ay di lamang pelikula ni Aga Mulach, William Martinez, JC Bonnin at Raymond Lauchengco(tama ba spelling?) Ang bagets ay estilo na rin ng damit. Yung tipong pagbukas mo ng aparador lahat ng kulay na Makita mo ay isusuot mo, at dapat may tali ka sa ulo habang kumakanta ng mga kanta ng Menudo. Wahaha..Menudo naisip ko pa yun. Si Robby Rosa yun…”Got to catch that plane at 7:30..” bunso nila si Ricky Martin at nung pumunta sila sa Pilipinas at mag guest sa Student Canteen, grabe daig ang labanang Pacquiao-Morales(mga boksingerong nabuhay din nung dekada otsenta)

Yakult! San mo unang nakita ang yakult? At saan mo siya madalas makita dati…hmmm ako madalas ko siya makita sa Kuarta o Kahon, yung Yakult:Roleta ng Kapalaran, madalas itong filler sa show ni Kuya Pepe Pimentel, yung laging kaaway ang biyenan niya. RPN9 ito palabas at dito ka makakakita ng malulufet na advertisement..dito rin natin madalas marinig ang national anthem ng mga wallet…”Seiko, Seiko Wallet ang wallet na masuwerte!” cmon raise your hands and sing with me..”Balat nito ay genuine, international pa ang mga design”. Nakakapagod ba? Hindi masyado.

Noong panahon na iyon, wala pang internet. Si Bill Gates ay manina pa sa chicks at si Steven Tyler ng Aerosmith ay kaya pang mag push up ng bente tuwing umaga. Pero kahit walang internet napakarami nating libangan. Isa na rito ang Komiks..Sinong magsasabing ni minsan ay hindi siya nagbasa ng komiks? Ilan sa inyo ang walang patumanggang sumusunod sa kwento na nagtatapos sa ITUTULOY! At next week bibili ka ulit diba? Ano ba mga magagandang komiks dati? Tagalog Klasiks, Pilipino, Aliwan, Pioneer (susme talagang naalala ko pa) Alamat komiks hehe at siyempre ang Liwayway magazine na 1929 pala nung nagsimula ayon sa http://www.alanguilan.com/.

Nabanggit ko dati ang That’s Entertainment sa part one, request ni katotong Marlon na inlove kay Joy banggitin ko daw ang mga pangalan na ito at baka may mapangiti sa inyo. Caselyn Francisco (talagang inuna si Caselyn?), Rudolph Yaptinchay(malay ko sa spelling ng apelyido neto), Benedict Aquino, Nikki Martel, Jojo Alejar, Jestoni Alarcon, at Michael Locsin, haba pa ng listahan tama na muna yan.

May Playstation ka ba ngayon o kaya X-Box? Aba wala yan sa ating kauna unahang computer game noon. ATARI! Naalala ko sumakit ang kamay ko dahil sa kakalaro ng Pac-Man gamit ang joystick nung unang panahon. Pero masaya ang Atari diba?

Sabado anong pinapanood mo? Ako FPJ sa GMA antagal nun, ang galing ni DaKing, lalo na yung mga war movies andami nyang kalaban na hapon pero take note, isa niya lang naka black siya para kitang kita siya sa black and white na screen dati, simple lang ang plot ng mga movie ni FPJ, mahuhuli, gugulpihin, tatakas at reresbak, ganun lagi yun. Ilang mga movies na napanood ko dito ay ang Asedilio, Ang Maestro, Aguila, Durugin si Totoy Bato, Daniel Barrion at syempre ang Panday(special mention si Tata Temiong na nakapulot ng aklat na itim) Tapos di natin alam pagkatapos ng ilang dekada...magiging magkalabang mortal pala ang dalawa na yun FPJ at GMA.

Iba pang palabas sa TV nun na sinubaybayan ng maraming wala pang email address sa Yahoo ay ang; Villa Quintana, Aguila at Valiente(Val Sotto era) Ula ang batang Gubat(Judy Ann Santos)

Last but not the least for this series: Wrestling, halos lahat tayo nanood nito. Siyempre kilala nyo si Hulk Hogan at Ultimate Warrior, Andre the Giant at Yokuzuna. Pati si Earthquake yung long hair na malaking tao din. Meron pa ngang issue nun na si Ultimate Warrior ay hindi na si Ultimate Warrior, ang gulo diba? Kasi namatay na daw dahil napatiran ng ugat. Mga ganung kwento na sinubaybayan natin nung panahon na iyon. Naalala nyo ba si Ravishing Rick Rude? Yung nahubaran sa ring. Si Hacksaw Jim Dougan na ang drama eh may pumalo sa kanya ng kahoy kya mula nun naging wrestler na din siya at siyempre tuwang tuwa tayo kapag may kontrabida na nagiging bida katulad ni Undertaker na laging kasama si Pole Bearer. May dagdag pa ako ha? Si Junkyard Dog at si Jake the Snake Roberts.

Makulay tlga ang Dekada Otsenta, sabi nga sa mga blog na nabasa ko ito ang pinakamasayang panahon kahit wala pang internet at MP3 player masayang masaya na tayo sa mga pinaglalaruan natin katulad ng Pepsi Cola- 7 Up, Siyato, Langit-Lupa Impiyerno(Im-Im-Impiyerno), at Tumbang preso. Saka pag nasa skul tayo nung elementary gustong gusto natin pag birthday ng classmate natin kasi may spaghetti at cake at ice cream at kung mayaman ang classmate mo may clown pa. Mga maliit na bagay na ang sarap i-appreciate. Parang jolens at yo-yo na paborito nating laruin after skul kasama ng Teks(yung parang mga ginupit na komiks, kung dalawa lang kayong magkalaban ang tawag dun sa isang card ay PANABLA), at Kalog(may tatlong pitsa na aalugin ka sa loob ng nakasaradong palad tapos ang pustahan ang mga laruan na na-free sa mga chichirya, may iba’t ibang denomination ito, yung Panday na malambot, ang bilang nun minsan bente minsan trenta, yung maliliit na sundalong kulay green isa lang ang bilang nun, malalaman mong addict ka na sa sugal na ito kung ipinusta mo na ang GI Joe mo n original kasi 500 ang bilang nun, o kya yung Barbie Doll ng kapatid mong babae na minsan ay 1000 ang bilang..PS na-addict ako dito kaya alam ko) Tapos pag gusto niyong pawisan dahil boring na ang Kalog, pumupuwesto kayo kahit saang parte ng kalsada at gumuguhit ng maliit na box tapos sa mejo malayong lugar may Persan…ang tawag dito Tatsing, pagalingan ng hagis kung sinong first malamang ikaw ang madaming makabig at kung last ka naman malamang ang susunod mo ng tira ay sa persan ulit.

Madami pa!

Tuesday, November 21, 2006

Panahon Na Naman

Dekada Otsenta…kainitan ng akng kamalayan. Aking na-alala courtesy of Kuya Paul, Ate Dina, Henson at may extra pang Joanne at Jane at special na bisita from Bench, si JM. Ansaya ng tugtugan. Naalala ang maraming bagay mula sa REO Speedwagon hanggang sa Starship. Mga bandang sumikat nung panahon na halos kaka memorize ko pa lang ng multiplication table (Note: High School na ako ay namamangha pa ako sa multiplication table at kung papipiliin mas gusto kong kabisahin ang sagot sa crossword puzzle ng pinakasikat na tabloid noon…ang Balita)

Sige. Isa isahin natin. At kung ikaw ay nahilig kay Usher, Black Eyed Peas at sa Linkin Park, baka mejo hindi ka na makarelate ditto. Isang suhestyon isama ang inyong tiyuhin, yung pangalawa sa panganay na magkakapatid ng inyong ama. Huwag ang bunso. Pwede ang panganay.

Simulan natin kay Kuya Germs (nga pala, not in chronological order ang isusulat ko ha? Ito ay ayon sa bilis ng memorya ko habang nagkakape dito sa office ng Musikatha). Sige balik tayo kay Kuya Germs. Siya yung kung tagurian ay Master Showman. Wow! Master na Showman pa. hehehe. Si Kuya Germs ay ang nagpasikat ng mga kabataang artista nun (counterpart ng Starstruck at Star Circle Quest sa panahon ngayon) That’s Entertainment na pinakomplika ng Monday to Friday edition at magpapasikatan ito sa Saturday Presentation. Pag dating ng Linggo ay mapapanood mo pa rin si Kuya Germs sa GMA Supershow.

Bigla ko naalala ang rivalry ni Ate Guy at Ate Vi. Eh usapan dekada otsenta hindi post-war era. Kaya wag na natin palalimin ang topic tungkol sa kanila.

Ano pa ba? Cafeteria Aroma ni Apeng Daldal, grabe walang sinabi ang mga sitcoms ngayon kay pareng Apeng, aba nakaupo lang ito lagi sa isang mesa kasama si Minyong, ang classical na gitarista na opposite ang haba ng patilya nya sa haba ng bangs nya. Pareho na yatang sumakabilang buhay ang dalawang ito, ewan ko lang kya mejo ito nlang muna ang description natin sa kanila.

Meron pa akong naalalang mga palabas sa TV, yung Dayuhan, si Hero Bautista ang bida dito, tuturo nya lang ang kamay nya na parang si Hitler tapos may mangyayari na. Papasok siya sa isang kubo pag labas nya parang time space warp na yun ibang lugar na mapupuntahan nya. Siyempre anjan din ang Yagit, at Gulong ng Palad. Pag mejo ndi ka pa naiiyak eh alalahanin mo ang Flor De Luna at yung kay Julie Vega(RIP) I forgot the title eh text nyo nlang ako pag naalala nyo ha?

Teka, kung ikaw ay nsa edad 25 pababa at nagbabasa ka pa neto. Aba dapat kang palakpakan kasi ibig sabihin maraming naitagong Liwayway magasin ang Tita mo (kapatid nung Tiyuhin mo na binabanggit ko kanina) Kahanga hanga at nakakarelate ka pa dito. Bravo Macro!

Sige tuloy tayo, alam nyo ba ang Eat Bulaga? Hindi yun ang paguusapan natin kundi ang Student Canteen, kung hindi ako nagkakamali kasunod nito ang Lovingly Yours Helen, walang sinabi ang Malaala mo Kaya at Magpakailnman dito, kasi dito nagsimula yung katagang, “Dear Ate Helen, itago nyo nlang ako sa pangalang…..” kainis no? bakit itago sa pangalan eh magtatago nlang bakit hindi pa sa middle initial or apelyido diba mas safe? Tignan nyo..”Dear Ate Helen, itago nyo nlang ako sa apelyidong…” o diba tagong-tago malamang hehehe.

Siyempre hindi lang puro tagalong ang palabas sa TV, meron ding English. Alam nyo ba yung The A Team? Si B.A. Baraccus? Isa lang naman ang plot nila eh. Makukulong sila sa isang kuwarto tapos mag fifigure out sila ng maraming paraan para makalabas at di mo namamalayan may tangke na silang nabuo gamit ang mga lumang cabinet, sintas ng combat shoes, table napkin, pihitan ng lumang transistor at 110 volts na bumbilya.(McGyver ang palabas na halos katulad nito). Hay naku ang haba pa ng listahan. Meron ding kotseng itim na nagsasalita na kung tagurian ay Knight Rider, singer na ngayon ang bida dun. Pero bago siya naging singer ay naging lifeguard muna siya sa Baywatch.

Andami ko pang gustong ikwento tawa ng tawa ang ang mga kasama ko dito sa office eh nagtatanong lang naman ako ng mga trivias nung dekada otsenta. Siguro ang gagawin ko nlang gagawan ko nlang ito ng part 2 kasi masyado na yatang mahaba. Pero actually kaya ko ng sumulat ng libro na puro patungkol lang sa dekada otsenta kaya lang boring eh. Dapat may climax sa DOJ at Comelec sa kasalukuyang panahon. Classic yun eh.

Sige hanggang dito na lang uuwi n kami eh.

Abangan ang Part 2.